MAHIGIT KALAHATI SA MGA PAARALAN SA BANSA, WALANG PRINCIPAL — TEACHERS’ DIGNITY COALITION

Patuloy na kinakaharap ng maraming pampublikong paaralan sa bansa ang matinding kakulangan sa mga itinalagang punong-guro, ayon sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC).
Sa isang eksklusibong panayam ng IFM News Dagupan kay TDC Chairman Benjo Basas, kanyang ibinahagi ang mga hamong kinakaharap ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng nasabing isyu.
Batay sa ulat ng The Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), nasa 24,916 sa kabuuang 45,199 na pampublikong paaralan sa bansa ang kasalukuyang walang nakatalagang principal — katumbas ito ng mahigit kalahati ng kabuuang bilang.
Sa lalawigan ng Pangasinan, personal na nagtungo si Basas upang magsilbing resource person para sa mga kukuha ng Principal’s Test. Ayon sa kanya, inaasahan na mas marami ang makapapasa upang mapunan ang mga bakanteng posisyon.
Samantala, nakatakda na ang pagsisimula ng taunang Brigada Eskwela sa darating na Hunyo 9. Ang aktibidad ay layuning pagtibayin ang ugnayan ng komunidad at paaralan sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments