Manila, Philippines – Walang tigil sa pagdagsa sa Plaza Miranda ng mga pro-government rally na lalahok sa idineklarang National Day of Protest ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Inaasahang nasa limampung libong raliyista ang dadalo sa open area sa harap ng Quiapo church kung saan itinayo ang isang malaking stage at malaking replika ng mukha ni Pangulong Duterte.
Pinangunahan ito ng PDP-Laban Party, Kilusang Pagbabago, Mayor Rodrigo Roa Duterte Group, Friends of Rodrigo Duterte, Luzon Watch at iba pang mga Local Government Unit.
Maliban sa mga nakalatag na programa, nagtayo rin ng “presidential complaint desk” sa lugar kung saan pwedeng isulat ng publiko ang kanilang mga hinaing na ipararating naman kay Pangulong Duterte.
Isinara naman sa mga motorista ang tatlong linya ng Quezon Boulevard dahilan para magsikip ang daloy ng sasakyan sa Quiapo area.