
Kanselado ang lahat ng biyahe sa ilang pantalan sa Luzon, Visayas, at Mindanao ngayong Biyernes.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), ito ay dahil pa rin sa epekto ng Bagyong Ada na patuloy na papalapit sa bansa.
Kabilang sa mga kanselado ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga Port Management Office sa Bicol, Masbate, Eastern Leyte/Samar, Western Leyte, Biliran, at Surigao.
Sabi ng PPA, awtomatikong kanselado ang biyahe kapag nag-isyu ang Philippine Coast Guard (PCG) ng no sail policy dahil sa masamang panahon.
Sa pinakahuling datos ng PCG, mahigit 5,300 na pasahero ang kasalukuyang stranded sa mga pantalan, habang mahigit 2,000 rolling cargoes at 21 barko ang hindi rin makabiyahe.
Bukod pa ito sa 11 barko na pansamantala namang nakadaong at nakikisilong dahil sa masamang panahon.










