Ikinatuwa ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang ipinamahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tablets, laptops at pocket WiFis sa Parents Teachers Association (PTA) representatives at principals sa lahat ng 13 pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Mayor Zamora, tinupad ng DICT ang kanilang pangako na magbigay ng gadgets sa lahat ng mga estudyante ng San Juan public school para sa kanilang online classes.
Kabuuang 12,500 tablets, 1,000 laptops at 1,000 pocket WiFis ang itinurn over ng DICT sa lungsod ngayong Abril.
Sabi ng alkalde, iaanunsyo niya ang schedule ng pag-release ng gadgets sa mga magulang at estudyante.
Dagdag pa niya, hindi dito magtatapos ang suporta ng Local Government Unit (LGU) para sa online class ng mga estudyante dahil antabayanan din ang ihahayag na internet connectivity sa mga susunod na araw.
Una rito, pinasalamatan ng alkalde ang suporta ng DICT kung saan noong 2019 nakakapaglagay sila ng 338 public WiFi sa pampublikong lugar ng lungsod.