Mahigit P1.8-M halaga ng hinihinalang ilegal na cooking oil, nasamsam sa Oriental Mindoro

Naaresto sa isinagawang law enforcement operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Oriental Mindoro Provincial Field Unit, kasama ang Food and Drugs Authority (FDA) Regional Office 4B at Pinamalayan Municipal Police Station, ang isang lalaki na nagbebenta ng hinihinalang ilegal na cooking oil sa Brgy. Sta. Rita, Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Kinilala ang suspek na si alyas “Mike”, 35 taong gulang at residente ng nasabing barangay.

Nahuli ang suspek matapos matuklasang nagbebenta ng mga cooking oil na hindi rehistrado sa FDA.

Narekober mula sa akusado ang kabuuang 43 package na naglalaman ng 2,615 bote ng hindi rehistradong cooking oil na tinatayang nagkakahalaga ng P1.8-M.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.

Pinuri naman ni CIDG Acting Director Police Major Gen. Robert Morico ang mga nagsagawa ng matagumpay na operasyon dahil dito ay naiiwasan ang banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili.

Facebook Comments