Mahigit P1-B halaga ng shabu, nasabat ng PDEA sa Angeles City, Pampanga

Mahigit isang bilyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos salakayin ang isang bahay sa Orchid Street, Timog Hills Subdivision, Barangay Pampang, Angeles City.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, ang shabu ay nakalagay sa 155 na piraso ng transparent plastic bags na tumitimbang ng isang kilo bawat isa.

Wala namang nahuli sa naturang operasyon dahil inabandona na ang lugar at tumakas na rin ang Chinese national na target ng search warrant.

Naging katuwang ng PDEA Intelligence Service; PDEA Regional Office-National Capital Region (NCR) at PDEA Regional Office 3 ang AFP-Counterintelligence Group, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Philippine National Police (PNP) sa naturang operasyon.

Naunang nakakumpiska ang PDEA ng 35 kilos sa isang buy-bust operation sa Angeles City, Pampanga,kung saan arestado rin ang isang Chinese national kasama ang isang Pinay.

Naniniwala si Nerez na magkakaugnay ang dalawang magkahiwalay na operasyon na resulta umano ng tuloy-tuloy na tracking operations laban sa ilang katao na konektado sa syndicated drug trafficking.

Facebook Comments