Mahigit P10-M halaga ng health commodities, naka-posisyon na sa mga rehiyon ng Luzon kaugnay ng Bagyong Uwan ayon sa DOH

Nakahanda na ang Department of Health (DOH) para rumesponde sa mga lugar na posibleng tamaan at maaapektuhan ng Bagyong Uwan.

Ayon sa DOH, nakaalerto na ang mga sumusunod na health commodities kabilang ang mga gamot sa ubo at lagnat, antibiotic, at mga maintenance medicine.

Mayroon ding hygiene kits at water containers na may malinis na inuming tubig para sa mga masasalanta sa oras ng bagyo.

Umabot sa mahigit P10 milyon ang halaga ng mga health commodities na nakaantabay.

Naka-standby din ang mga Health Emergency Response Teams (HERTs) at mga DOH hospitals para sa agarang deployment at pagtugon sa mga maaapektuhang lugar, bukod pa sa kahandaan nilang magpadala ng karagdagang tulong mula sa mga karatig-rehiyon sakaling kailanganin.

Nakaantabay na rin sa deployment ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) na kinikilala ng World Health Organization (WHO), na may kakayahang magserbisyo bilang outpatient department o magtayo ng pansamantalang hospital tents sa oras ng sakuna.

Sa ngayon, itinaas na ng DOH sa Code Blue Alert ang buong bansa dahil sa nasabing bagyo.

Facebook Comments