
Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang indibidwal matapos ang isinagawang raid sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Dante, 34 na taong gulang; at alyas Juliana, 21-taong gulang, matapos mahuling nagbebenta ng mga vape product na may mga substance na kinokonsidera bilang toxic at addictive.
Narekober sa mga suspek ang 40 na master cases ng “Chill X Kleer” at “Geek Bar,” 36 na kahon ng “Chillax Go X,” 4,025 na bote ng assorted na vape juice, at 15 na kahon ng “Next Lim,” na tinatayang nasa mahigit P12 milyong ang halaga.
Ayon kay CIDG acting Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, ang nasabing operasyon ay parte ng patuloy na pagsugpo ng ahensya sa iligal na pagbebenta at pamamahagi ng produktong vape.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sa karampatang kaso.









