Mahigit P13 bilyong Tumauini River Multipurpose Project sa Isabela, aprubado na ng NEDA —NIA

Itinuturing ng National Irrigation Administration o NIA na malaking hakbang patungo sa pag-unlad ng agrikultura at ekonomiya ng bansa ang konstruksyon ng Tumauini River Multipurpose Project o TRMP sa Isabela.

Ito ang pahayag ng NIA kasunod ng pag-apruba ng National Economic Development Authority o NEDA sa P13.948 bilyong pondo para sa pagtatayo ng nabanggit na dam.

Sabi ng NIA, ang TRMP ay magbibigay ng buong taong irigasyon para sa 8,200 ektarya ng sakahan ng 5,860 magsasaka sa mga munisipalidad ng Cabagan Ilagan at Tumauini.


Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng isang bagong dam at reservoir, pagpapabuti at pagpapalawak ng mga pasilidad sa irigasyon, pagpapalakas ng irrigators association, at promosyon ng agri-tourism sa bansa.

Kasabay nito ay aprubado na rin ng NEDA ang P18.182 billion sa Tarlac Balog-Balog Multipurpose Project Phase II Extension para sa mga magsasaka sa Probinsya ng Tarlac.

Matatandaan na noong nakalipas na taon ay una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdnand Marcos Jr. ang pagtatayo ng malalaking dam sa Cagayan Valley, Central Luzon, Panay Island, at Ilocos Region na target matapos sa taong 2028.

Facebook Comments