Umaabot na sa mahigit P14-M ang iniwang pinsala ng sama ng panahon sa sektor ng agrikultura dulot ng shear line sa CARAGA Region.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 638 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan partikular sa Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Nasa higit 1,000 ektaryang lupain naman ang tuluyang winasak ng sama ng panahon kung saan hindi na maaaring pakinabangan pa ang mga tanim.
Samantala, isang bahay sa Agusan del Sur ang sinira ng sama ng panahon.
Sa ngayon, nasa mahigit 17,000 pamilya o kabuuang 64,324 na katao ang apektado mula sa 51 barangay ng Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Sa nasabing bilang, mahigit 1,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 17 mga evacuation center habang ang nasa 4,455 na katao ay mas piniling makituloy sa kanilang kamag-anak o manatili sa kani-kanilang mga tahanan.