MAHIGIT P142K HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA SA DAGUPAN CITY

Tatlong suspek ang arestado sa Dagupan City matapos masamsam ang tinatayang ₱142,800 halaga ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Barangay Mayombo noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026.

Ayon sa Dagupan City Police Office, kinilala ang mga suspek na dalawang lalaking pawang residente ng Barangay Pantal at Caranglaan, at isa namang babaeng residente ng Barangay Tapuac.

Sa isinagawang operasyon ng ilang yunit ng pulisya ng Dagupan City Police Office (DCPO) katuwang ang PDEA-RO1, nasamsam ang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 21 gramo.

Kasama rin sa nasamsam ang iba’t ibang drug paraphernalia at ang marked o boodle money na ginamit sa transaksyon.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Dagupan CPO at haharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments