
Agad na inilatag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V sa Bicol Region ang buong paghahanda matapos itaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang Red Alert Status kaugnay ng Tropical Storm Ada.
Ito’y upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad na posibleng maapektuhan ng masamang panahon.
Ayon sa DSWD, kabuuang P158,851,949 na standby funds at relief stockpiles ang nakahanda na ngayon.
Kabilang na rito ang 171,408 Family Food Packs at mahigit 13,058 non-food items gaya ng hygiene kits, family kits, sleeping kits, at kitchen kits.
Nakapaloob din sa paghahandang ito ang mabilis na paggalaw ng pondo, relief goods, at social protection services para sa agarang augmentation sa mga lokal na pamahalaan.
Tiniyak din ng DSWD Bicol na sapat ang kanilang relief resources at tuloy-tuloy ang operasyon kahit may kasalukuyang pagtugon sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon at epekto ng shear line.
Samantala, naka-activate na rin ang Quick Response Teams ng Disaster Response Management Division para sa agarang monitoring at pagtugon sa mga apektadong lugar.










