Mahigit P3-B, nawala sa kita ng pamahalaan dahil sa pagbaba ng taripa ng imported na baboy

Aabot sa mahigit tatlong bilyong piso ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa pagbaba ng taripa sa imported na karneng baboy.

Sa plenary deliberation para sa P91 billion na 2022 budget ng Department of Agriculture (DA), binusisi ni Marikina Rep. Stella Quimbo kung magkano ang nawala sa “tariff revenues” mula Abril hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.

Tugon ng sponsor na si Aklan Rep. Teodorico Haresco, batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC), nasa P3.44 billion ang “revenue foregone” o nawalang kita sa pamahalaan na sakop ang April hanggang July pork imports.


Nanghihinayang si Quimbo dahil ang ganoong kalaking pera na nawala sa kaban ng bayan ay maaari sanang gamitin bilang pambayad sa allowances ng health care workers o pambayad sa COVID-19 tests at contact tracers.

Tinukoy pa ni Quimbo na tanging mga importer lang ang nakinabang sa pagbaba ng taripa dahil bukod sa bawas buwis ay P10.00 kada kilo lang ang naging pagbaba sa halaga ng karne ng baboy sa merkado.

Hanggang ngayon din aniya ay marami pa ring mga hog raiser sa bansa ang hindi pa makabangon mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF) na siyang unang pangako na tutulungan kaya naibaba ang taripa sa imported na pork.

Facebook Comments