Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, batay sa kanilang ginawang monitoring sa mga maisan, palayan at gulayan sa Lungsod ay tinatayang nasa 50 ektarya ang pinsala sa rice area; 1,585 hectares sa mais at mayroon ding naitalang partially damaged sa mga gulayan na nasa seedling stage na.
Ang mga nasabing datos ay naisumite na sa Provincial at DA Regional Office para sa assessment at balidasyon.
Kaugnay nito ay mag-iikot pa rin ang mga kawani ng DA Region 2 at City Agriculture Office sa iba pang barangay dito sa Lungsod para alamin kung mayroon pang mga pananim na nasalanta rin ng bagyong Florita.
Sinabi pa ni Engr. Alonzo na mayroong matatanggap na tulong mula sa pamahalaan ang mga naapektuhang magsasaka subalit ito ay ipoproseso pa ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Maging ang mga magsasaka na nakasiguro at makakapasa sa assessment ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay mabibigyan rin ng tulong.
Pinapayuhan naman ang iba pang magsasaka na apektado ng bagyong Florita na magreport at mag-file lamang ng notice of loss sa tanggapan ng City Agriculture Office at PCIC para ma-aassess at ma-validate din ng nasabing ahensya.
Samantala, hinihikayat muli ang mga magsasaka na hindi pa nakapasiguro ng mga pananim, makinarya at alagang hayop na ipasiguro na sa PCIC para kung sakaling matamaan ng sakuna ay mayroong aasahang tulong.