
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na tuloy-tuloy ang paghahatid nila ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng pananalasa ng Tropical Storm Ramil sa bansa.
Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) at Asst. Secretary Irene Dumlao, ang kanilang mga field offices kung saan dumaan ang bagyong Ramil ay sa nakapaghatid na ng P5.4 million na halaga na humanitarian assistance sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng weather disturbance.
Aniya nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng DSWD ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Ramil lalo na sa Western Visayas dahil malaki ang naging pinsala nito sa naturang rehiyon.
Kasama sa ibinahaging tulong ng ahensiya ay ang mga kahon na naglalaman ng family food packs (FFPs) sa mga naapektuhang pamilya at mga ready-to-eat food (RTEF) boxes para sa mga stranded na mga pasahero sa mga pantalan.
Ang pinakamalaking halaga ng naipadalang tulong ay sa Western Visayas na mayrrong P3 million food at non-food items (FNFIs) na sinundan ng Central Luzon na may P1.1 million at mahigit P1 million na halaga ng tulong ang naihatid na sa Bicol Region.
Bukod sa pamamahagi ng tulong, nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa mga concerned local government units (LGUs) para masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga internally displaced persons (IDPs) na nasa mga evacuation centers.
Kasama na rin dito ang mga pamilyang nanunuluyan pansamantala sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak.









