Mahigit P6-M halaga ng shabu na isiniksik sa metal wheel bearing, nasabat ng BOC

Matagumpay na naharang ng Bureau of Customs (BOC) ang 994 na gramo ng shabu na tinangkang ipuslit sa Port of Clark.

Ayon sa BOC, nagkakahalaga ng 6.7 million ang iligal na droga na nakumpiska sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency—Airport Interdiction Unit.

Nagmula umano sa Bujumbura, East Africa ang iligal na droga na target ibagsak sa Cavite City.

Naharang na ito pagdaan pa lamang sa X-ray screening ng Customs.

Isinilid sa mga kahong naglalaman ng bearing ng gulong ang mga iligal na droga na positibong tinukoy ng PDEA bilang shabu matapos ang laboratory analysis.

Kinumpiska ang mga ito dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa R.A. No. 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002.

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, hindi matitinag ang ahensiya sa pagbabantay upang mapigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa.

Facebook Comments