Nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang pagpapaabot ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong indibidwal ng sama ng panahon bunsod ng shearline sa CARAGA at Davao Region.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nasa P66.3M na ang halaga ng tulong ang naipagkaloob sa mga apektadong pamilya.
Kabilang sa mga ayudang ibinigay ay family food packs, family kits, hygiene kits, jerry cans, modular tents, sleeping kits at mga gamot.
Samantala, nasa 185, 196 na pamilya o katumbas ng mahigit 820,000 mga indibidwal ang apektado ng sama ng panahon mula sa 469 na mga brgy. sa Region 11 at CARAGA.
Sa nasabing bilang, nasa mahigit 500 katao na lamang ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers kung saan ang karamihan sa mga apektado ay nagsibalikan na sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa datos pa ng NDRRMC, nananatili sa 10 ang kumpirmadong nasawi dahil sa landslide habang patuloy pa ang beripikasyon sa anim na nasawi at lima rin ang naitalang sugatan.