
Nasabat sa isinagawang raid operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P7.8 milyon na halaga ng ilegal na liquefied petroleum gas (LPG) sa San Jose, Batangas.
Nahuli sa nasabing raid ang tatlong indibidwal na pawang empleyado ng ilegal na tindahan na nagbebenta ng mga nasabat na LPG.
Ayon sa ahensya, naaktuhang nahuli ng mga operatiba ang mga suspek na nagsasagawa ng cross-refilling sa mga LPG cylinders na walang license to operate mula sa Department of Energy (DOE).
Narekober sa mga suspek ang walong refilled LPG cylinders, 193 na walang lamang cylinders ng iba’t ibang brand, refilling machines, compressor, weighing scale, isang trailer bullet truck, at isang delivery truck.
Ayon kay CIDG Acting Director Police Major Gen. Robert Morico II, ang pagbebenta, paggamit, at pag-refill ng mga LPG cylinders gamit ang mga pangalan ng ibang kumpanya na walang pahintulot ay isang paglabag sa batas.
Sa ngayon, nahaharap ang mga nasabing suspek sa mga kaukulang kaso na may kinalaman sa nasabing insidente.









