
Tatlong indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union, kung saan aabot sa mahigit P700,000 ang kabuuang halaga ng nasabat na hinihinalang shabu.
Sa Rosales, Pangasinan, timbog ang isang 44-anyos na tricycle driver na si Alyas Jay-Ar sa isinagawang buy-bust operation. Nasamsam mula sa kanya ang 22.54 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P153,272. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sa Aringay, La Union, dalawang suspek ang naaresto sa magkasunod na operasyon. Unang naaresto ang isang 37-anyos na lalaki na nahulihan ng 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P238,000. Kasunod nito, nahuli rin ang isang 29-anyos na lalaki na nakuhaan ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P340,000.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang tatlong suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa ilalim ng batas laban sa iligal na droga. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









