Nasamsam ang mahigit P900-K na halaga ng umano’y shabu matapos salakayin ng mga otoridad ang isang bahay sa Road 65 Manggahan Site, Barangay North Daang Hari, Taguig City pasado alas-11:00 kagabi.
Maliban dito, arestado rin ang suspek na isang kasambahay na nakilalang si Racquel Villareal Arales, 38-anyos.
Nakuha mula sa kaniya ang 139 grams na hinihinalang iligal na droga na may katumbas na halagang P945,200, maliit na timbangan, cellphone, at P6,500 na buy-bust money.
Batay sa ulat ng Taguig Philippine National Police (PNP), matagal na nilang minamanmanan ang suspek matapos nilang makumpirma ang iligal na transakyon nito kaugnay sa pagbebenta ng umano’y shabu sa lungsod, kaya naman agad ikinasa ang pag-aresto sa suspek.
Nakakulong na ang suspek sa Taguig City Police Station Custodial Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Drugs Act of 2002.