Nagtapos na sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang nasa 3, 096 benepisyaryo sa Ilocos Region.
Sa pinakahuling datos ng 4Ps Regional Program Management Office, DSWD Field Office 1 ay umabot na sa 3,096 na benepisyaryo ng naturang programa ang nagsipagtapos na as of June 30, 2021.
Ang nasabing bilang ng mga benipisyaryong natapos na ay kinabibilangan ng apat na probinsya sa Rehiyon.
Ang probinsya ng Pangasinan kung saan nakapagtala ng pinakamaraming grumaduate na sa programa na umabot sa 2, 112 benepisyaryo, pumangalawa naman ang lalawigan ng La Union na may bilang na 748 na miyembro, at ang Ilocos Norte ay mayroong 125 na grumaduate na rin, at 111 naman sa Ilocos Sur.
Ayon kay Jaesem Ryan Gaces, ang tagapag-salita ng 4P’s Regional Management Office, ay hindi pa umano masasabi kung mapapalitan ang mga nagsipagtapos na ngunit mayroon umanong orihinal na target kung saan ibinigay ito ng Central Office na pupunan ang listahan, upang ma-achieve ang target na 4.4-Milyong Pilipino kada household sa bansa upang matulungan at maiangat ang kabuhayan ng mga mamamayang hirap sa buhay.
Ang 4Ps ay ang programa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga pinakamahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.