Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang higit P1.5 bilyong pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tig-P10,000 emergency shelter assistance ng mahigit 150,000 households na matinding naapektuhan ng Bagyong Odette noong nakaraang taon.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, kabuuang P1,580,123,000 ang special allotment na ito para sa konstruksyon ng 153,410 na mga totally damage na bahay sa Regions 6, 8, 10 at 13.
Dagdag pa ni Pangandaman, bawat isa sa ating mga kababayan ay itinuturing ang tahanan bilang isang ligtas na lugar, kaya naman kailangan talaga na maibalik ang mga nasirang bahay.
Bagama’t aniya ang Bagyong Odette ay tumama pa noong nakaraang taon ay hindi nakakalimutan ng pamahalaan ang mga nasalanta, bagkus ay patuloy ang pagbibigay ng tulong para sa kanilang muling pagbangon.
Nabatid na ang DSWD ay humiling sa DBM na pagpapalabas ng higit P1.5 bilyon noong Agosto 2 na natanggap ng DBM nitong August 3 at ang katumbas ng Special Allotment Release Order (SARO) ay inilabas nitong Agosto 8.