Nakatanggap ng reward ang ilang confidential informants ng Philippine National Police (PNP) na nagbigay ng impormasyon para madakip ng mga awtoridad ang 14 na most wanted persons.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Jose Chiquito Malayo umaabot sa ₱3.3 milyon cash rewards ang kanilang ibinigay sa ilang tipsters.
Ang 14 na nadakip na most wanted persons ay mayroong existing warrant of arrest na inisyu ng korte dahil sa krimen na kanilang kinasangkutan tulad ng murder, rape, forcible abduction with rape, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.
Sinabi ni Malayo na ang pagbibigay ng cash reward sa confidential informants ay bahagi ng programa ng Pambansang Pulisya upang makatulong ang mga ordinaryong mamamayan para masakote ang mga tinaguriang most wanted persons.
Kasunod nito, hinikayat ng opisyal ang publiko na agad makipagtulungan sa kanila kapag mayroong impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga pinaghahanap ng batas.