Umabot na sa ₱43 milyong halaga ang naiabot na tulong ng national government at pribadong sektor sa 74 na lugar sa MIMAROPA at Western Visayas na naapektuhan ng oil spill matapos lumubog ang MT Princes Empress sa Naujan, Oriental Mindoro kamakailan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, inulat ni Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr., kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang halagang ito ng tulong ay mula sa Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), mga local government unit (LGU) at mga non-government organization.
Sinabi pa ni PCO secretary na sa ulat ni Secretary Galvez sa Pangulo mayroong 31,497 na pamilya o katumbas nang mahigit 400,000 indibdiwal ang naapektuhan sa 122 barangays, habang mahigit 13,000 naman na mga mangingisda ang apektado ang kabuhayan dahil sa oil spill.
Mayroon din daw 169 indibdiwal ang naitalang sumama ang pakiramdam dahil sa oil spill.
Sinabi pa ni Secretary Galvez kay Pangulong Marcos Jr., na nagdeklara na ng state of calamity ang mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, Roxas sa Oriental Mindoro at ang Caluya sa Antique dahil sa matinding epekto ng oil spill mula sa lumubog ng MT Princess Empress.
Sa patuloy na shoreline clean up activities naman umabot na sa 894 na sako ng oil contaminated debris at 77.5 drums ng waste for treatment ang nakolekta
Una nang utos ni Pangulong Marcos sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang clean up operation at matiyak na natutulungan ang mga nawalan nang hanapbuhay sa pamamagitan ng cash for work program.
Samantala, bukod sa Philippine Coast Guard experts, inaasahan na ring tutulong ang response team mula Japan na may remotely operated vehicle na darating sa bansa sa March 20.