Mahigpit na border controls, kailangan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 – OCTA Research

Inirekomenda ng OCTA Research Group ang epektibo at mahigpit na border controls para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa loob at pagitan ng mga lalawigan.

Ito ang babala ng group sa harap ng pagsisimula ng pagkakaroon ng surge ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa OCTA, kailangang magkaroon ng mahigpit na screening sa mga pantalan at paliparan dahil mahalaga ito lalo na sa plano ng pamahalaan na palawakin ang domestic at international travel.


Ipinapanukala rin ng group sa Local Government Units (LGU) sa NCR na ipatupad ng mahigpit ang General Community Quarantine (GCQ) protocol na 10 tao lamang bawat gatherings at ipagbawal ang office parties at iba pang social events.

Mahalagang may malinaw na guidelines ang mga LGU para sa mga aktibidad para sa holiday season na naaayon sa direktiba ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force.

Anila, natapos na ang declining trend ng COVID-19 cases sa NCR at nagsisimula nang magkaroon ng pagtaas ng kaso.

Mahalagang nakahanda na ang mga public health systems at mga tauhan nito at dapat ding itaas ang health care capacity para sa inaasahang pagdagsa ng mga kaso sa mga susunod na linggo.

Ang NCR, Bulacan, Isabela, Leyte, Pangasinan, South Cotabato at Negros Oriental ay “areas of concern,” dahil sa pagtaas ng mga kaso.

Facebook Comments