Mahigpit na health protocols, ipapatupad sa pagbubukas ng session ngayong umaga sa Senado

Dahil sa pananatili ng COVID-19 sa bansa at nadaragdagang kaso ng Delta variant ay magiging mahigpit lalo ang mga protocol na ipapatupad sa Senado para sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 18th Congress ngayong umaga.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang mga papasok sa Senado lalo na ang mga lalahok o papasok sa loob ng session hall ay kailangang magpresenta ng vaccination card at kahit fully vaccinated ay kailangan din nilang magpresenta ng negative result ng RT-PCR.

Mayroon ding antigen test na pagdadaanan sila at kinakailangan sundin pa rin ang health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, pagsasagawa ng physical distancing at palagiang paglilinis ng kamay.


Sa session hall naman, katulad ng dati ay may plastic barriers na ang bawat lamesa ng mga senador.

Wala ring bisita o crowd na papayagan sa loob ng session hall pati ang media ay bawal pa rin na pumasok sa buong gusali ng Senado at lahat ng ganap dito, tulad ng session, mga committee hearing at presscon ay gagawin virtually o sa pamamagitan ng video conferencing.

Binanggit ni Zubiri na kailangan talaga ang pag-iingat lalo pa at karamihan sa mga senador ay senior citizens na at marami rin sa kanila pati mga empleyado ng Senado ang tinamaan na ng COVID-19.

Dahil pawang mga bakunado na ay inaasahan na mas marami ang mga senador ang magiging physically present sa pagbubukas ng session.

Pero sabi namin n Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi pa rin obligado ang mga senador na maging present physically sa mga ganap sa Senado dahil umiiral pa rin ang resolusyon na pwede silang lumahok sa pamamagitan ng video conferencing.

Walong mga Senador naman mula sa majority bloc ang naghayag ng intensyon na maging physically present sa joint session ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan mamayang hapon para personal na sakaihan ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinabibilangan ito nina SP sotto, Majority Leader Zubiri at nina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher “Bong” Go, Imee Marcos, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Francis Tolentino.

Wala naman kahit isa mga senador na kabilang sa oposisyon o minority bloc ang nagsabing pupunta sa Batasan para personal na makinig sa huling SONA ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments