MAHIGPIT NA INSPEKSYON NG KARNE IPINATUPAD SA SAN CARLOS BILANG PAGHAHANDA SA PASKO

Nagsagawa ng inspeksyon ang Task Force Bantay Karne sa Pasko ng City Veterinary Office (CVO) ng San Carlos City, sa mga pamilihan upang tiyakin na ang mga ibinebentang karne ay ligtas, malinis, at may mataas na kalidad.

Layunin ng inspeksyong ito na maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan, lalo na ngayong tumataas ang demand sa karne sa panahon ng kapaskuhan. Sinuri ng task force ang kondisyon ng mga karne, kalinisan ng mga pwesto, at ang pagsunod ng mga tindero sa tamang proseso ng meat inspection.

Patuloy na pinaalalahanan ng City Veterinary Office ang publiko na bumili lamang ng karne na may malinaw at wastong meat inspection stamp bilang garantiya ng kaligtasan at kalidad. Hinihikayat din ang lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang produkto o gawain sa pamilihan.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaang lungsod at ng mga mamamayan, hangad ng City Veterinary Office na matiyak ang isang ligtas, masaya, at mapayapang pagdiriwang ng Pasko para sa lahat ng San Carlenians.

Facebook Comments