Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang mahigpit na giyera kontra droga sa kabila ng mga ulat na nababawasan na ang bilang ng drug users sa bansa.
Sa ulat ng Dangerous Drugs Board (DDB), aabot sa 1.67 million na Pilipino ang lulong sa ilegal na droga, kung saan dalawa sa bawat 100 Pilipino may edad 10 hanggang 69 ang sabit sa droga.
Sa kaniyang public address, ayon kay Pangulong Duterte na wala siyang sasantuhin sa kampanya kontra droga tulad ng ginagawa niya sa kampanya laban sa korapsyon.
“Walang pabor-pabor dito. No question that I am really mad. Galit ako sa droga. Kaya kung mamatay ka, kasi galit ako sa droga,” sabi ng Pangulo.
“In the past, ‘yung panahon nila [Senator Ronald] Dela Rosa, umabot ‘yan ng almost 4 million. And how much has been reduced in the use of shabu? I really do not know until now. But we are still in the thick of the fight against shabu,” dagdag pa ng Pangulo.
Muli ring nagbabala ang Pangulo laban sa mga drug dealers na nais sirain ang bayan.
Lubos din niyang ikinalulungkot na may ilang Pilipino pa ring naaadik sa droga at nasasayang ang kanilang buhay.
Aniya, ang mga drug user ay nagiging tamad at makupad dahil ang kanilang isipan ay sinisira ng droga.
“In the end, it will destroy the nation. If this is allowed to go on and on, and if no decisive action is taken against them, it will endanger the security of the state,” ani Duterte.
Handa si Pangulong Duterte na akuin ang pananagutan sa kampanya pero itinanggi niya ang kanyang pagkakasangkot sa anumang vigilante killings.
“You can hold me responsible for anything, any death that has occurred in the execution of the drug war, pero ‘wag ninyo akong bintangan diyan sa patayan na hindi ninyo alam kung sino ang pumatay,” ani Duterte.
“Payag ako, just charge with the correct indictment. ‘Wag ‘yung basta basta lang kayo magsabi na ‘crime against humanity.’ Kailangan pa naging humanity itong p*** i**** mga drugs na ito,” giit pa ng Pangulo.
Umapela rin ang Pangulo sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tiyaking ilayo sila sa ilegal na droga.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte na magiging responsibilidad ng mga magulang kapag nasangkot ang kanilang mga anak dito.