Nangako si Senator Christopher Bong Go na babantayang mabuti ang imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs kaugnay sa umano’y pagmaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kaniyang Pinay na kasambahay.
Inaasahan ni Go, na magiging patas ang imbestigasyon ng DFA batay sa totoong pangyayari at mga detalye ng insidente at hindi dapat maimpluwensyahan ng mga public statement na pabor man o laban kay Ambassador Mauro.
Diin ni Go, dapat masigurado na mapapanagot ang dapat managot at hindi dapat payagan na pagtakpan o mapalampas lang ang nangyari at hindi mabigyan ng hustisya ang naapi.
Habang iniimbestigahan si Mauro ay ipinaalala ni Go sa mga Ambassador at lahat ng nakatalaga sa mga embahada at foreign service posts ng Pilipinas na bilang public servant ay trabaho ng mga ito na protektahan ang bawat Pilipino na nasa ibayong dagat.
Giit ni Go, walang may karapatang manakit ng kapwa at hindi dapat payagan ang anumang uri ng pangmamaltrato sa kapwa nating Pilipino.
Nag-paabot na rin ng konting tulong si Go sa pamilya ng biktima ni Ambassador Mauro at inihayag din nito na bukas ang kaniyang tanggapan sa sinumang nais magsumbong ng pagmaltrato lalo na sa mga house staff workers.