Pinaigting pa ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay sa mga paliparan kasabay ng banta ng bagong strain ng COVID-19 mula sa United Kingdom.
Ang hakbang ay kasunod na rin ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon na sumailalim sa 14-day quarantine pagkarating sa Pilipinas, ang mga biyaherong galing sa mga bansang mayroong bagong variant ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay BI Spokesperson Dana Sandoval sinabi nito na iniisa-isa nila ang background ng mga pasaherong pumapasok sa bansa kung saan required din ang pagpapadala ng advance information ng mga ito.
Tiniyak naman ni Sandoval na lahat ng mga papasok sa bansa maging ang mga hindi galing sa UK ay sasailalim sa 14-day quarantine.
Sa isyu naman ng pagpapatupad ng travel ban, sinabi ni Sandoval na sumusunod lamang sila sa utos ng Inter-Agency Task Force (IATF).