Mahigpit na pagbabantay sa paggastos sa 2026 national budget, tiniyak ng liderato ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mahigpit na pagbabantay sa P6.793-trilyong pambansang pondo ngayong taon upang matiyak na bawat piso ay magagamit nang tama, sang-ayon sa batas, at walang korapsyon.

Pahayag ito ni Dy kasunod ng paglagda ngayong araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2026 General Appropriations Act.

Ayon kay Dy, magsisimula pa lamang ngayon ang trabaho ng Kongreso upang masigurong ang tinaguriang “People’s Budget” ay tunay na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan—magpapabuti sa kalidad ng buhay, lilikha ng trabaho, magpapalakas sa edukasyon, magpapalawak ng serbisyong panlipunan, at titiyak sa seguridad sa pagkain.

Diin ni Dy, isinusulong sa 2026 national budget ang pagiging bukas sa publiko at pananagutan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na maging responsable sa paggamit ng kaban ng bayan.

Dagdag pa niya, mahigpit na makikipagtulungan ang Kongreso sa Ehekutibo upang masiguro ang maayos at matagumpay na pagpapatupad ng pambansang badyet.

Facebook Comments