Cauayan City, Isabela- Nagbigay ng paglilinaw si City Mayor Bernard Dy ng Cauayan kaugnay sa hindi pagbibigay ng buong detalye at impormasyon sa mga COVID-19 positive patients.
Aniya, marami na silang ulat na natatanggap tungkol sa iba’t-ibang klaseng diskriminasyon na nararanasan ng mga nagpositibo sa Lungsod.
Kaugnay nito, kanyang pinapaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagbibigay ng anumang negatibong komento tungkol sa mga COVID-19 positive dahil hindi aniya ito nakakatulong at malaki ang epekto sa kanilang pagpapagaling.
Binabalaan nito ang mga taong naglalabas ng pangalan at larawan ng mga nagpositibo at tinitiyak rin ng alkalde na mabibigyan ng karampatang parusa ang sinumang mapapatunayan na nagbubulgar ng identity o pagkakakilanlan ng mga positive patients sa publiko ng walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang Contact tracing at swab testing ng Cauayan City Health Office para sa mga posibleng naging direct contacts ng mga COVID-19 Positive patients sa Lungsod.
Sakaling hindi aniya matukoy kung saan nagmula ang transmission ay maaari na nilang ilabas ang pagkakakilanlan ng mga nagpositibo.