Mahigpit na pagpapatupad ng bubble policy sa Metro Manila at apat na karatig lalawigan, inirekomenda ng OCTA

Nanawagan ngayon ang OCTA Research sa gobyerno na muling ipatupad ang mahigpit na pagpapatupad ng bubble policy sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Kasunod na rin ito ng pagtaas ng kaso ng Delta variant sa bansa at pagpapalabas sa mga bata edad lima pataas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na layon nitong maiiwas ang National Capital Region (NCR) plus na ngayon ay nasa moderate risk sa mga probinsya na nasa COVID-19 high risk na.


Ipinunto ni David na masyado kasing maluwag ang pagpasok sa NCR plus ng mga taga-probinsya.

Kung hihigpitan aniya ang mga pumapasok sa Metro Manila ay maiiwas din ito sa pagkalat ng Delta variant.

Facebook Comments