Mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban at gun ban para sa Pista ng Hesus Nazareno, tiniyak ng PNP

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nitong ipatutupad ang liquor ban at gun ban bilang bahagi ng seguridad para sa Pista ng Hesus Nazareno sa Enero 9.

Ito ay kasunod ng pagapruba ng pamunuan ng PNP sa rekomendasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) patungkol sa suspensyon ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) mula Enero 8 hanggang Enero 10.

Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipagcoordinate na ang ahensya sa Lungsod ng Maynila para masiguro ang ligtas at maayos na relihiyosong aktibidad.

Dagdag pa nya, sapat na bilang ng mga pulis ang magsasagawa ng mga operasyon hindi lamang para sa pagpapatupad ng mga nasabing mga ban kundi pati na rin sa pagbabawal ng paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnical materials.

Nananatili namang nakaalerto ang PNP at tiniyak na pagbubutihin pa ang operasyon sa seguridad ng taunang pagdiriwang.

Samantala, nanawagan din si Nartatez sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga alituntunin, lalo na sa nalalapit na pagdaos ng Traslacion.

Facebook Comments