Naniniwala ang mga health expert na dapat ipatupad ng mahigpit ang quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, miyembro ng Technical Advisory Group (TAG) ng Department of Health (DOH), ang maximum quarantine period ay dapat 14 na araw habang ang minimum ay nasa 10 araw.
Inirekomenda ng DOH-TAG kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat nakatuon ang pamahalaan sa quarantine measures para matiyak na nakokontrol ang pagpasok ng COVID-19 variants mula sa mga biyahero.
Sinabi naman ni Dr. Edsel Salvaña, isang infectious disease expert, importanteng makontrol ang pagkalat ng variants lalo na sa mga returning travelers.
Iminungkahi ni Salvaña na paikliin ang duration ng quarantine sa 10 araw sa mga walang sintomas at sasailalim ang pasyente sa test sa kanyang ika-pitong araw na quarantine.
Para naman kay Dr. Marissa Alejandria, miyembro din ng DOH-TAG, maaaring luwagan ang quarantine period sa 10 araw mula sa pamantayan na 14 na araw basta ang pasyente ay asymptomatic at mahigpit ang gagawing monitoring.