Umapela ang mga lider ng mga mangingisda, civil society groups at ang Oceana sa Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at National Telecommunication Commission (NTC) na mahigpit na ipatupad ang vessel monitoring measures sa mga komersyal na sasakyang pangisda.
Ito ay sa gitna na rin ng payo ni Solicitor General Jose Calida sa mga nabanggit na ahensya na sundin ang utos ng Regional Trial Court (RTC) ng Malabon na nagdedeklarang unconstitutional ang Fisheries Administrative Order No. 266 na sinabayan pa ng pahayag ng mga may-ari ng mga komersyal na sasakyang pandagat na hindi sila susunod sa batas.
Panawagan ng Pangingisda Natin Gawing Tama (PaNaGaT) Network sa BFAR at NTC na manindigan sa pagpapatupad ng FAO 266.
Malinaw na ang paglalagay ng vessel monitoring sa mga komersyal na sasakyang pangisda ay kasama sa ipinag-uutos ng Republic Act 10654 habang ang FAO 266 ay tumitiyak sa mahigpit na pagbabantay, kontrol at pagsubaybay sa mga sasakyang pandagat sa Pilipinas.
Tinukoy na mahalaga ang pagpapatupad ng batas upang mabantayan at mahuli ang mga commercial vessels na iligal na pumapasok sa municipal waters na siyang mahigpit na pinoprotektahan dahil ito ang lugar ng pangitlugan at tirahan ng mga isda.