Inirekomenda ni Senator Francis Tolentino ang pagpapataw ng mas mahigpit na parusa laban sa mga masasangkot sa hazing na mauuwi sa pagkasawi ng biktima.
Ito ang nakapaloob sa Committee Report No. 19 na inisponsoran ni Tolentino sa plenaryo matapos ang imbestigasyon na ginawa ng Senate Committee on Justice and Human Rights na kanyang pinamumunuan patungkol sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Sa sponsorship speech ni Tolentino, ineendorso ng committee report ang pag-amyenda sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law kung saan papanagutin ang mga dawit sa initiation rites o activity na nauwi sa pagkasawi ng bagong myembro.
Nagkasundo ang mga myembro ng komite na kapag ang initiation activities ay nagresulta sa pagkasawi o physical injury ng myembro, ang mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon ay papanagutin sa mga pamilya ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapabayad ng multa na P20 million.
Bukod dito, ipasasalo rin sa mga myembro ang litigation fees ng pamilya ng biktima.
Ang certificate of registration ng fraternity, sorority o kahalintulad na organisasyon ay awtomatikong kakanselahin at idedeklara itong iligal na organisasyon.
Dagdag ni Tolentino, siya mismo ay kasapi ng isang fraternity pero sinusuportahan niya ang anumang panukalang pagbabago para mapalakas ang batas laban sa hazing.