Pinaaaprubahan agad ni House Deputy Speaker at 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero ang panukalang batas para sa mas mahigpit na parusa laban sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) cases.
Ito ay bunsod na rin ng 264% na pagtaas sa rate ng mga kabataang nabibiktima ng online sexual abuse at cybersex trafficking mula nang ipatupad ang community quarantine noong Marso 2020.
Hinimok ni Romero na agad na ipasa ng Kamara ang House Bill 6923 o Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) Act of 2020, kung saan mahaharap sa pagkakabilanggo ng tatlong taon at multang hindi bababa sa P500,000 ang mga lalabag dito.
Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng Inter-Agency Council on Online Sexual Exploitation Against Children (IA-OSEC) na bubuuin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Council for the Welfare of Children (CWC), Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ang nasabing Inter-Agency Council ang siyang gagawa ng mga programa at proyekto na tutugis sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan sa online at magsisilbing monitoring body.
Sa ilalim din ng panukala ay binibigyang karapatan ang batang biktima ng online sexual exploitation para sa pagkakaroon ng legal counsel gayundin ang support services mula sa DSWD at LGUs.