Manila, Philippines – Binigyang diin ni Sen. Grace Poe na labag sa konstituyson ang hakbang ng Kamara na limitahan ang karapatan ng publiko na makita o makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga kongresista.
Paliwanag ni Poe, malinaw sa isinasaad ng Article 11, Section 17 ng saligang-batas na dapat ideklara ng bawat opisyal at empleyado ng gobyerno ang kanilang SALN.
Binanggit din ni Poe na ipinag-uutos ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na dapat gawing madali ang pagkuha sa mga public document at laging ihanda ito sa pagsusuri ng publiko.
Giit naman ni Senator Win Gatchalian, kung walang itinatago ang isang opisyal ng gobyerno sa pinaggalingan ng yaman nito ay walang dahilan para pahirapin ang paglalabas nito ng kopya ng SALN.
Katwiran ni Gatchalian, higit ngayong kailangan ang transparency ng mga mambabatas sa harap ng usapin sa umano ay pagkakaroon ng pork barrel o insertions sa proposed 2019 budget.
Para kay Gatchalian, masyadong pahirap ang prosesong nais ng kamara kung saan dapat aprubahan muna ng komite at plenaryo ang request para sa kopya ng SALN at masyado rin aniyang mahal ang 300 pesos na bayad para dito lalo pa at halos 300 ang mga kongresista.