Sa budget deliberations sa plenaryo ng Kamara ay pinanindigan ng Ombudsman ang polisiya nito sa mahigpit na paglalabas ng kopya ng Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) na inihain ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers Rep. France Castro, nakatanggap sya ng sulat mula kay Ombudsman Samuel Martires kaugnay sa kanyang tanong ukol sa SALN.
Sabi ni Castro, sa naturang liham ay nagmatigas ang Ombudsman na ilalabas lang ang kopya ng SALN kung ang humihiling ay mayroong Notarized Letter of Authority mula sa naghain ng SALN.
Para kay Castro, ang nasabing polisiya ay paglimita sa access ng taumbayan sa isa sa pinakamahalagang source of information kung may mga hidden wealth o unexplained wealth ang isang opisyal o kaya ay hindi akma ang kanyang pamumuhay sa suweldo niya, at kung mayroon syang hindi nararapat panghawakan na mga negosyo o financial interest.
Si Manila Rep. Bienvenido Abante, ang nagdidepensa sa 4.7 billion pesos na proposed budget ng Ombudsman sa susunod na taon.
Kumbinsido si Abante na pinag-aralang mabuti at mayroong basehan ang Memorandum Circular no. 1 series of 2022 kaugnay sa paghihigpit ng Ombudsman sa paglalantad ng SALN.
Dagdag pa ni Abante, siguradong alam ni Martires ang batas kaugnay sa SALN bilang dating Sandiganbayan at Supreme Court Associate Justice.
Inihayag din ni Abante ang sinabi ni Martires na bukas itong ma-impeach sa halip na otomatikong ilabas ang SALN ng walang pahintulot sa naghain nito.