Mahigpit na seguridad, ipinatutupad sa iba’t ibang bahagi ng Maynila kaugnay sa inaasahang kilos-protesta

Mahigpit na ang seguridad sa ilang bahagi ng Maynila kasabay ng nakatakdang mga kilos-protesta ngayong araw.

Sa bahagi ng Mendiola, mahigpit ang pagbabantay sa paligid ng Peace Arch kung saan inilagay ang mga barikada gaya ng barbed wires at mga container van. Nakaantabay rin ang maraming pulis lalo’t nagkaroon na ng kaguluhan sa rally noong September 21.

Bantay-sarado rin ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang bahagi ng Ayala Bridge, na dati nang pinangyarihan ng batuhan ng tear gas at pagsusunog ng container van.

Samantala, bagama’t alas-6 ng umaga, wala pa ring naka-set up sa Luneta, ang pangunahing venue ng kilos-protesta.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), alas-12 pa sana ng hatinggabi sila magsisimulang mag-set up ngunit hinarang umano sila ng Manila Police dahil sa kawalan daw ng permit. Giit ng grupo, tila pagsabotahe ito lalo’t wala rin naman silang naging permit noong September 21.

Nabanggit din ng grupo na may mga kalsadang isinara at may mga nakaabang nang portalet—patunay umano na pinlano at naka-coordinate na ito sa mga awtoridad.

Dagdag pa nila, tila natatakot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magmartsa ang mga tao papuntang Malacañang upang kolektahin ang umano’y kickback na natanggap niya mula kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Facebook Comments