Mahigpit na seguridad para sa unang SONA ng pangulo, ipinapatupad na sa mga papasok sa Kamara

Triple ang paghihigpit na ipinapatupad ngayon sa Batasan Pambansa Complex para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay bahagi ng pagsisikap ng Kamara na mapanatiling ligtas ang lahat ng mga dadalo sa SONA.

Sa labas pa lang ng Batasang Pambansa sa may IBP road ay mahigpit na ang inspeksyon sa mga papasok na sasakyan.


Mula naman sa North Gate ay mahigpit nang ipatutupad ang “No ID, No Entry” at “No Car Pass, No Entry”.

Oras naman na makapasok sa loob ng Batasan Complex, dadaan sa mahigpit na health screening ang mga dadalo sa pagbubukas ng sesyon ng 19th Congress at mamayang hapon para sa unang SONA ni PBBM.

Ang health screening ay isasagawa ng Presidential Security Group (PSG) kung saan ang mga dadalo ay kinakailangang magpakita ng vaccination card na may dalawang primary doses ng COVID-19 vaccine, negatibong resulta ng RT-PCR at PSG Health Declaration Form (HDF).

Bibigyan naman ng “tag” ng PSG ang mga magpapakita ng kumpletong health requirements.

Bahagi naman ng ipinatutupad na pagsunod sa health at safety protocols ang paglilimita rin sa access ng mga kawani at iba pang bisita na papasok sa ilang mga gusali kung saan bawal ang pagala-gala.

Tanging ang may negatibong resulta ng RT-PCR test lamang ang makaka-access sa main building, plenary, north wing at south wing.

Ipatutupad naman ang “No Fly Zone” sa Batasan Complex area mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.

Facebook Comments