
Pinaigting ang panawagan para sa wastong paghihiwalay ng basura sa mga barangay sa Dagupan City kasunod ng pagsasara ng lokal na dumpsite. Layunin ng hakbang na matiyak ang mas maayos at sistematikong pamamahala ng basura sa buong komunidad.
Sa pangunguna ng Waste Management Division, isinagawa ang Waste Analysis and Characterization Study (WACS) katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at mga kinatawan mula sa ilang barangay. Layunin ng pag-aaral na ito na mapabuti at mapalakas ang mga estratehiya sa solid waste management.
Kasabay nito, patuloy ding ipinatutupad ang iskedyul ng koleksyon ng iba’t ibang uri ng basura upang mas maging organisado ang disposal system. Isinusulong din ang mga inisyatibo tulad ng paggawa ng hollow blocks mula sa mga naprosesong plastik, kung saan ginagamit ang shredded plastics bilang alternatibo sa ilang materyales sa konstruksyon.
Sa tulong ng mga programang ito, inaasahang mas mapapalawak ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa kahalagahan ng waste segregation, lalo na sa panahon ng pagtaas ng presyo ng langis na nakaaapekto sa operasyon ng waste management.
Patuloy ang panawagan sa bawat residente na makiisa at makibahagi sa mga hakbangin ng pamahalaan upang makamit ang isang malinis, maayos, at ligtas na kapaligiran para sa lahat. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










