Mahihirap at hindi makapagtrabaho dahil sa COVID-19, pinapabigyan ng isang senador ng tig-10,000 tulong

Binigyang diin ni Senator Risa Hontiveros na higit na kawawa ang mga mahihirap sa sitwasyon ngayon dahil sa COVID-19.

Ayon kay Hontiveros, madadagdag pa sa mahihirap na sektor ang panibagong 650,000 na mga Pilipino na hindi makakapagtrabaho dahil sa krisis ng COVID-19.

Dahil dito ay iginiit ni Hontiveros sa pamaahalaan na bigyan ng tig-sampung libong pisong tulong ang nabanggit na libu-libong Pilipino na apektado ng lockdown at limitadong operasyon ng mga negosyo tulad ng mga malls.


Pakiusap ni Hontiveros sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kumilos na ngayon para ipaabot ang nabanggit na tulong.

Kinakalampag din ni Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) para tulungan ang mga manggagawang hindi makapagtrabaho ngayon at wala ng pangtutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Dagdag pa ni Hontiveros, ang mga Local Government Units (LGUs) na nagdeklara ng State of Calamity ay maari ng magbahagi ng tulong sa mamamayan mula sa kanilang calamity fund.

Facebook Comments