Mahihirap na LGU, hindi dapat mapag-iwanan sa bakuna – VP Robredo

Umaasa si Vice President Leni Robredo na hindi mapag-iiwanan sa pagbabakuna ang mga Local Government Unit (LGU) na walang kakayahang gumastos para sa COVID-19 vaccine.

Nabatid na halos 30 LGUs na ang naglaan ng sarili nilang pondo sa pagbili ng bakuna para sa kanilang mga residente.

Ayon kay Robredo, hindi dapat maging dahilan ang kahirapan ng ilang lokal na pamahalaan para maging huli sila sa prayoridad.


“Sana lang Ka Ely, yung mga LGUs na hindi kaya, hindi naman maiwan, hindi maging dahilan ang kahirapan ng LGU para last sila sa priority. Parang tingnan na lang natin na yung appropriations ng mga LGUs, ito nga mga 28 or 29 na ‘to as of yesterday, parang mas tulong ito instead na nakikipag-unahan sa iba,” saad ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.

Naniniwala rin ang Bise Presidente na malaking tulong sa national government ang pag-i-invest ng mga LGU para sa sarili nilang COVID-19 vaccination program.

Pero apela si Robredo, iwasan ang palakasan at sundin ang inilatag na prioritization ng pamahalaan.

“Ang mahalaga lang dito doon sa mga makikidamay, yung national government meron pa ring parang protocol na susundin. Sana kahit may allocation yung LGU, hindi yung kung sino yung malapit sa nakaupo yun ang priority. Dapat yung prioritization ng government, yun pa rin yung gawin,” dagdag pa ni Robredo.

Facebook Comments