Tutukan pa rin ng gobyerno ang National Capital Region (NCR) sa usapin ng suplay at presyo ng bigas.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sa NCR ang palaging mataas ang presyo ng bigas na natural lang dahil dito ang sentro ng kalakalan at malayo ito kaya mahal ang halaga ng transportasyon, storage fee at processing fee.
Kaya naman ayon sa pangulo, may direktiba na siya kay House Speaker Martin Romualdez na bumuo ng isang programa na gagampanan ng 33 mga kinatawan o mamababatas sa NCR.
Sa ilalim ng programa, ayon sa pangulo ay ipagpapatuloy ng 33 mga mambabatas sa Metro Manila ang pamamahagi ng libreng bigas at iba pang tulong sa mga mahihirap na sektor.
Layunin aniya nito na patuloy na maalalayan ang mahihirap na pamilya sa Metro Manila matapos niyang tanggalin ang price cap sa bigas.
Ayon sa pangulo, gagawin itong pilot project sa NCR at gagamitin dito ang koleksyon sa buwis sa bigas.