Manila, Philippines – Malinaw na nagpa-panic na ang mga nasa likod na mapatalsik si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaya naging opsyon ngayon ang paghahain ng Quo Warranto Petition sa Korte Suprema laban sa Chief Justice.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Anakpawis Rep. Ariel Casilao, inilalantad lamang ng inihaing petisyon na mahina ang Impeachment Complaint laban kay Sereno.
Sinabi pa nila Zarate at Casilao na patuloy ang Coordinated Political Maneuver at pag-imbento ng mga akusasyon laban sa Punong Mahistrado upang gipitin at ma-pressure si Sereno na umalis na sa pwesto.
Wala ding legal na basehan ang Quo Warranto Petition para mapatalsik sa pwesto si Sereno dahil batay sa 1987 Constitution ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan na i-impeach ang Chief Justice.
Para kay Kabataan PL Rep. Sarah Elago, malinaw na Harassment ang ginagawa ng gobyerno laban kay Sereno.
Aniya, ipinapakita na dito ang pagiging diktador ng Pangulo para masigurong maaalis sa posisyon si Sereno at matiyak ang monopolya ng kapangyarihan sa mga sangay ng gobyerno.