Mahistrado ng Court of Appeals, sinampahan ng administrative case sa Korte Suprema

Sinampahan ng kasong administratibo sa Korte Suprema si Court of Appeals (CA) Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., dahil sa gross inefficiency matapos abutin ng ilang buwan na lagpas na sa reglementary period na itinakda sa rules of court bago ito magpalabas ng desisyon sa Writ of Habeas Corpus petition.

Sa 16 pahinang reklamo ni Pharmally Secretary Mohit Dargani sa SC-Judicial Integrity Board, sinabi nito na malinaw na nilalabag ni Bruselas,bilang Presiding Justice ng CA 5th Division, ang New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary dahil sa kawalang aksyon sa isang petisyon.

November 19, 2021 nang maghain si Dargani at kapatid nitong si Pharmally President Twinkle Dargani ng Writ of Habeas Corpus,  kinuwestiyon ng dalawa ang paglabag sa kanilang constitutional right to liberty at due process matapos iutos ng Senate Blue Ribbon Committee na arestuhin at ikulong ito dahil sa contempt sa gitna ng isinasagawang Senate inquiry sa Pharmally.


Dahil sa kawalang aksyon ni Bruselas, muling naghain ang kampo ng petitioner ng Motion to Resolve the Petition noong Enero 12, 2022 na nasundan pa ng ikalawang Motion to Resolve Petition noong Pebrero 9, 2022 at ikatlo na Urgent Motion to Now Resolve Petition noong Pebrero 21, 2022.

Marso 1, 2022 o makalipas ang 5 buwan nang magpalabas ng resolusyon ang CA 5th Division sa habeas corpus petition, sa dalawang pahinang desisyon na pinonente ni Bruselas at nilagdaan nina CA Justices Filomena Singh at Bonifacio Pascua ay “partially resolved” ang naging desisyon dahil hindi nito inaksyunan ang petisyon ni Mohit habang ibinasura ang mosyon ni Twinkle bilang moot and academic dahil napalaya na ito ng Senado noong Enero bilang humanitarian consideration.

Dahil walang desisyon sa kanyang petisyon ay naghain ng Motion for Partial Reconsideration ang kampo ni Mohit sa CA noong Marso 14, 2022 na humihiling na desisyunan ang kanyang kaso subalit hindi pa rin ito nireresolba hanggang sa kasalukuyan.

Si Mohit ay nakapiit pa rin sa Pasay City Jail .

Facebook Comments