Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang mahusay na pamamahala sa bansa para maresolba ang mga problema tulad ng kahirapan, gutom at kawalan ng trabaho, ang tunay na makakasawata sa kriminalidad.
Pahayag ito ni Drilon bilang pagkontra sa planong armasan ang mga anti-crime civilian organizations para makatulong sa pagpigil ng paglaganap ng krimen.
Diin ni Drilon, hindi garantiya na magiging ligtas ang bansa kapag mas marami ang mag-aarmas dahil hindi naman nito mareresolba ang kahirapan at gutom.
Paliwanag pa ni Drilon, ang pag-aarmas sa mga anti-crime volunteers ay hindi rin makakapagbalik sa mga trabahong nawala at hindi rin nito mapapataas ang tiwala ng mga mamumuhunan.
Punto ni Drilon, para sa mga kumakalam ang tiyan ay pagkain ang dapat ibigay at hindi bala.
Pinapahigpitan din ni Drilon ang regulasyon sa pag-iisyu ng lisensya sa pagmamay-ari at pagbibitbit ng baril kasabay ang hiling sa Philippine National Police (PNP) na pag-ibayunin ang pagtugis sa mga hindi lisensyadong baril.