Manila, Philippines – Iginiit ni Albay Rep. Edcel Lagman na masyado nang huli para sa quo warranto petition na kumukwestyon sa basis at validity ng authority ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno bilang Punong Hukom.
Sinabi pa ng mambabatas na ang paghahain ng quo warranto petition laban kay Sereno ay patunay na hindi maisusulong ang impeachment complaint sa Senado.
Paliwanag ni Lagman, batay sa Section 11 Rule 66 ng Rules of Court, ang petition for quo warranto ay dapat maihain sa loob ng isang taon matapos na maitalaga at maupong Chief Justice si Sereno.
Pero sa kaso ni Sereno, August 24, 2012 pa ito naging Punong Mahistrado o mahigit limang taon na.
Hindi rin binibigyang pahintulot ng nasabing rule na gamitin ito para mapatalsik sa pwesto ang isang public officer o employee.
Kasabay ng paninindigan ni Lagman na valid at legal ang appointment ni Sereno, naniniwala din ang kongresista na maibabasura ang quo warranto petition laban kay Sereno.